ANO ANG PANANAW NG MGA MUSLIM KAY HESUS ?

    



    ang mga muslim ay iginagalang at nagbibigay pitagan kay hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). hinihintay din nila ang kanyang pagbabalik. siya ay ibinibilang na isa sa mga bantog na sugo ng allah. hindi sapat sa isang muslim na tawagin lamang siya sa kanyang pangalang hesus, bagkus dinaragdagan ito ng mga katagang 'sumakanya nawa ang kapayapaan' (bilang pagmamahal at paggalang sa kanya). ang banal na qur' an ay nagpapatotoo sa pagsilang sa kanya ng isang  birhen (isang kabanata sa banal na qur' an ay may pamagat na 'maria' ). si maria ay itinuturing na pinakadalisay na babae sa lahat ng mga kababaihan. ang banal na qur'an ay nagsasabi tungkol sa pagbibigay ng magandang balita: 

      at [banggitin mo muhammad] nang sabihin ng mga anghel: "o maria. katotohanan, ikaw ay pinili ni allah, ikaw ay ginawang dalisay at ikaw ay pinili ng higit sa mga kababaihan sa lahat ng mga nilikha.


    o maria, ikaw ay maging masunuring tapat sa iyong panginoon at ikaw ay magpatirapa at yumukong kasama ng mga nagsisiyuko [sa pagdarasal]."

         iyan ay nagmula sa mga balita ng ghaib [di-nakikitang bahagi ng pangyayari] na aming ipinahayag sa iyo [o muhammad]. at ikaw ay wala sa kanilang [kinaroroonan nang panahong iyon], nang [mangyaring] sila ay maghagis ng kanilang mga panulat [upang kanilang pagpasiyahan] kung sino sa kanila ang mangangalaga kay maria. ikaw ay wala [rin] noon, nang [mangyaring] sila ay magtalu-talo.

    [at banggitin mo muhammad!] nang sabihin ng mga anghel: "o maria, katotohanan, ang allah ay nagbibigay sa iyo ng magandang balita ng isang salita mula sa kanya na ang kanyang pangalan ay mesiyas, hesus, ang anak ni maria. at [siya ay] pinangaralan sa mundong ito at sa kabilang buhay, at [siya'y] mabibilang sa mga malalapit[sa allah].

    at siya ay magsasalita sa mga tao sa [kanyang] duyan [kamusmusan] at kagulangan. at siya ay mabibilang sa mga matwid."

    siya [maria] ay nagsabi: "aking panginoon, paano po ako magkakaroon ng anak [na lalaki] gayong wala namang lalaking sumaling sa akin? [ang anghel ay] angsabi: "[kahit na] ganyan ang allah, lumilikha  ng anumang  kanyang nais. kapag kanyang itinakda ang isang pangyayari [o bagay], kanyang sasabihin lamang dito: maging, kaya mangyayari nga. "[qur'an 3:42-47].

    si hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay mahimalang isinilang sa pamamagitan ng kapangyarihan na nagbigay buhay din kay adam (sumakanya nawa ang kapayapaan) na nilikha na walang ama:

    katotohanan, ang kahalintulad ni hesus sa [pagkalikha sa kanya ng] allah ay tulad ni adan. siya ay kanyang nilikha mula sa alabok pagkaraan [ang allah] ay nagsabi sa kanya: "maging, kaya nangyari nga. [qur'an, 3:59]

    sa panahon ng kanyang misyon bilang sugo at propeta, si hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay gumawa ng maraming himala. ang banal na qur'an ay nagsasaad na siya ay nagsabi:

    at [siya ay gagawing] isang sugo sa mga anak ni israel [na nagsasabing]: "katotohanan, ako ay naparito sa inyo na may dalang ayah[palatandaan, himala] mula sa inyong panginoon, na ako ay gagawa para sa inyo mula sa luad [putik] ng tila anyo ng isang ibon, at ito ay aking hihipan, at magiging ibon sa kapahintulutan ng allah. at aking pagagalingin ang ipinanganak na bulag, at ang may ketong, at aking bubuhayin ang patay sa kapahintulutan ng allah. at aking ipababatid sa inyo ang anumang inyong kinakain, ant ang anumang inyong iniimbak [itinatago] sa inyong mga pamamahay. katotohanan, naririto ang isang ayah [himala] para sa inyo kung tunay nga na kayo ay mga naniniwala." [qur'an, 3:49]

    maging si muhammad o si hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) ay hindi nagbibigay pagbabago sa pangunahing doktrina sa paniniwala sa iisang diyos (allah) na itinuro ng mga naunang propeta. bagkus pinagtibay at ibinalik nila  ang doktrinang ito. sa banal na qur'an, si hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi na siya ay dumating:

    at [ ako ay naparito] na magpapatunay sa anumang nauna sa akin, ang torah [batas] at upang pahintulutan para sa inyo ang ilan sa anumang dati ay ipinagbawal sa inyo. at ako ay naparito sa inyo na may dalang ayah[himala] mula sa inyong panginoon. kaya, matakot kayo sa allah at sumunud sa akin.[qur'an, 3:50]

    si propeta muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:

    sinuman ang maniwala na walang diyos na dapat sambahin maliban sa allah - ang tangi at walang ka-tambal, na si muhammad ay kanyang sugo, na si hesus ay alipin at sugo ng allah, kanyang salita na ibinigay kay maria at isang espiritu na ibinigay niya, na ang paraiso at impiyerno ay totoo, siya ay tatanggapin ng allah sa paraiso." (hadith na tinipon ni bukhari)

Comments

Popular posts from this blog

EMPLOYMENT CONTRACT FOR OVERSEAS FILIPINO WORKERS IN SAUDI ARABIA

ANG PANAHON NG MGA KASTILA